Photobucket

Tuesday, March 18, 2008

SNAIL MAIL


I. Introduksyon ng Pananaliksik

A. Paglalahad ng Suliranin

Nag-ugat ang ideya ng pananaliksik na ito mula sa naging palaisipan ng isa sa mga mananaliksik kung praktikal pa rin nga ba ang pagpapadala ng liham sa pamamagitan ng tradisyunal na pamamaraan o snail mail sa kabila ng modernisadong panahon ngayon. Kung kaya, nais patunayan ng pananaliksik na ito na mabisa pa rin ang snail mail bilang isang midyum o paraan ng komunikasyon ng mga Pilipino.

Ang pagkakaroon ng mga makabagong pamamaraang pangkomunikayon ngayon gaya ng text messaging at e-mail o electronic mailing ang siyang pangunahing sanhi ng pagbaba ng bilang ng mga Pilipinong tumatangkilik sa snail mail. Nangangailangan ng pagtugon ang suliraning ito, dahil kung mapaparami ang bilang ng mga Pilipinong tatangkilik sa snail mail ay kasabay din nito ang pagkakaroon ng malaking kita para sa Korporasyong Pilipino sa Koreo (Philippine Postal Corporation o PhilPost) na siyang nagbibigay ng serbisyong pangkoreo sa Pilipinas. Samakatuwid, ang pagkakaroon ng malaking kita ng korporasyon ang siyang makatutulong sa pagpopondo upang lalo pang mapahusay ang serbiyong pangkoreo ng bansa.

B. Rebyu / Pag-aaral

Napag-alaman ng mga mananaliksik na mayroon ng mga naunang pag-aaral hinggil sa napiling paksa. Narito ang mga pag-aaral:

1. May Tuwirang Kaugnayan sa Paksa

a. The Impact of Corporatization on the Organizational Performance of Philippine Postal Corporation (Flores, Guillerma E.1999)
b. Costumer Service of Philpost Postal Tellers - Quezon City (Uy, Ma. Alona G. 1999)
c. Manual of the Postal and Telegraph Service of the Philippine Islands (Quillon. Nicolas 1926)
d. Postal Technology & Management (Mustafa, Husain 1971)
e. Mail by the Pail (Cockburn, Andrew)

2. May Kaugnayan sa Paksa

a. Selyo: Philippine History in Postage Stamps (alejandro, Reynaldo G. 2000)
b. Management of Resources: Its Impact on Total Productivity in Selected Top Government Owned Controlled Corporations (GOCCs) (Effendi, Endi Saefulloh 1991)

Ang mga pag-aaral na ito lamang ang nahanap ng mga mananaliksik. Kapansin-pansin na tila may puwang sa pagitan ng mga pag-aaral na nabanggit. Tila hindi nabibigyang improtansya ang silbi o gamit ng snail mail bilang isang midyum ng komunikasyon ng mga Pilipino. Kung kaya, nais ng mga mananaliksik na ito ang pagtuunan ng pansin para sa pag-aaral na gagawin.

C. Layunin

Inaasahan ng mga mananaliksik na matatamo ng mga mambabasa ang mga layunin ng pananaliksik na ito. Narito ang mga layunin:

1. Pangkalahatan

Layunin ng pananaliksik na ito na makatulong sa muling paglago ng pagtangkilik ng mga mamamayang Pilipino sa snail mail.

2. Ispesipiko

Layunin ng pananaliksik na:

a. Makatulong sa pagbibigay ng mga impormasyon hinggil sa snail mail at sa serbisyong pangkoreo ng PhilPost.
b. Makatulong sa pagsusuri ng mga dahilan ng unti-unting pagbaba ng bilang ng mga Pilipinong tumatangkilik sa snail mail.
c. Makatulong sa pagsusuri ng mga dahilan kung bakit mabisa pa rin ang snail mail bilang isang midyum o paraan ng komunikasyon ng mga Pili[pino.
d. Makatulong sa pagbibigay-daan upang mabatid ng mga Pilipino ang mga hakbang ng PhilPost para makapaghatid ng magandang serbisyong pangkoreo sa bansa.
e. Makapag-ambag ng mga paraan kung paano muling maiaangat ang bilang ng mga mamamayang Pilipinong tumatangkilik sa snail mail.




C. Kahalagahan ng Pananaliksik

Ang pananaliksik na ito ay magsisilbing isa sa mga instrumento upang wag tuluyang mawala ang gawi na nakasanayan na ng mga Pilipino na magpadala ng liham gamit ang tradisyunal na pamamaraan.

Para naman sa ekonomikal na aspeto, ang pananaliksik na ito ay makatutulong sa pagmumulat sa mga kinauukulan upang lalo pa nilang pagtuunan ng pansin ang humihinang indutriya ng pagpapadala ng mga koreo.

D. Konseptuwal na Balangkas


Ang Department of Transportation and Communications ng Pilipinas ang may responsibilidad para sa pamamalagi at pagpapalawak ng mabisang sistema ng transportasyon at komunikasyon bilang mga instrumento ng pambansang kaunlaran. Sa ilalim ng umiiral na sistema ng komunikasyon ay mayroong tatlong ahensya. Ang National Telecommunications Commissions at Telecommunications Office ay ang mga ahensyang nagbibigay ng serbisyong pangtelekomunikasyon gaya ng telepono at internet. Sa kabilang banda, ang Philippine Postal Corporation naman ang nagbibigay ng serbisyong pangkoreo gaya ng snail mail. Ang tatlong ahensyang nabanggit ay nagsisilbing mga paraan upang mapagbuklod ang mamamayang Pilipino.

F. Metodolohiya

Ang pananaliksik na ito ay ginawa sa pamamagitan ng pangangalap ng mga impormasyon mula sa mga libro, artikulo at sa iba pang uri ng mga babasahin. Ang mga mananaliksik ay nagsagawa rin ng mga panayam sa mga tao, institusyon at ahensyang may kinalaman sa napiling paksa. Nangalap din ng mga kakailanganing datos ang mga mananaliksik mula sa internet, kung saan makikita ang official websites ng mga institusyon at ahensyang may kinalaman sa pananaliksik na gagawin.

G. Saklaw / Delimitasyon ng Pananaliksik

Ang pananaliksik na ito ay sumasaklaw sa mga impormasyon tungkol sa serbisyong pangkoreo na makukuha mula sa PhilPost at hindi na kasama ang mga impormasyon mula sa ilang pribadong tanggapan ng koreo sa Pilipinas gaya ng LBC Express, JRS Express, Xend Express at SBI Courier Services. Mula sa mga impormasyong makukuha sa Philpost, saklaw ng pananaliksik ang mga liham, postcards, packages o bagahe at pati na rin ang iba pang mga postal items na ipinapadala sa loob at labas ng bansa (domestic at international mail services ng PhilPost). Magkagayundin, ang mga taong kakapanayamin ng mga mananaliksik ay yaong may koneksyon sa nasabing tanggapan: mga taong tumatangkilik sa kanilang serbisyo at mga empleyado na pinili naman sa pamamagitan ng pagbabatay sa kanilang hawak na posisyon na may kinalaman sa napiling paksa.

H. Daloy ng Pag-aaral

Hinati sa anim na kabanata ang pananaliksik na ito. Ang una ay hinggil sa kaligiran ng pananaliksik. Ang ikalawang kabanata naman ay tungkol sa kasaysayan, sistema at paraan ng pamamalakad ng PhilPost sa pagbibigay ng serbisyong pangkoreo sa buong Pilipinas. Ang ikatlong kabanata ng pananaliksik ang siyang namang tumatalakay sa kasaysayan ng pagkakaroon ng serbisyong pangkoreo at konsepto ng snail mail. Samantala, hinggil naman sa mga dahilan ng paghina ng pagtangkilik sa snail mail ng mga Pilipino ang ikaapat na kabanata. Ang ikalima naman ang tumatalakay sa mga dahilan kung bakit mabisa pa rin ang snail mail bilang isang midyum o paraan ng komunikasyon ng mga Pilipino. Sa huling kabanata naman ng pananaliksik, ang mga hakbang na ginagawa ng korporasyong Pilipino sa Koreo para sa pagpapaunlad ng kanilang serbisyo ang siyang tatalakayin.




II. Korporasyong Pilipino sa Koreo (Philippine Postal Corporation)

A. Maikling Kasaysayan

Ang Korporasyong Pilipino sa Koreo (Philippine Postal Corporation), na mas kilala bilang PhilPost ay isang korporasyong pinamamalakad ng Gobyerno at siyang responsable sa pagbibigay ng serbisyong pangkoreo sa Pilipinas. Ang PhilPost ay nakabatay sa pangunahing liham-pahatiran ng Pilipinas, ang Manila Central Post Office. Ang nasabing Korporasyon ay kasalukuyang nasa ilalim ng pamamahala ng Kagawaran ng Transportasyon at Komunikasyon (Department of Transportation and Communications) bilang kaugnay na ahensya.

Taong 1767, ang kauna-unahang liham-pahatiran ay itinatag sa lungsod ng Maynila, na hindi naglaon ay itinatag sa pamamahala ng bagong distritong pangkoreo ng Espanya, na siyang nagbubuklod sa lungsod ng Maynila at sa kabuuang kapuluan ng Pilipinas noong 1779. Ang pangkoreong distrito ay itinatag sa ikalawang pagkakataon noong Disyembre 5, 1837. Isang taon ang nakalipas, ang Maynila ay naging tanyag bilang sentro ng serbisyong pangkoreo sa Asya. Ang Espanya ay sumapi sa Universal Postal Union noong 1875 at sa sumunod na dalawang taon ay naging kasapi din ang Pilipinas.

Noong Panahon ng rebolusyon, pinag-utos ni Pangulong Emilio Aguinaldo ang pagpapatayo ng nasabing serbisyong pangkoreo sa ilalim na ng pamamahala ng Pilipinas na siyang tutugon sa paghahatid ng mga liham para sa buong bansa.

Habang ang gusali ng Manila Central Post Office, ang sentro ng serbisyong pangkoreo ng Pilipinas, ay ganap nang naitayo sa kasalukuyang istilo na Neo-Classical noong 1926, ito ay gumuho at nawasak noong nakaraang Ikalawang Digmaang Pandaigdig (World War II). Ito ay inayos at muling itinayo noong 1946, pagkatapos ng digmaan.

Sa mabuti at masusing pagsisiyasat ng pormal na awtoridad ng Pilipinas noong 1987, ang Kawanihan ng Koreo (Bureau of Posts) ay napalitan ng pangalan bilang Postal Service Office (PSO), sa bisa ng Exec. Order no. 125 na pinagtibay ni Pangulong Corazon Aquino noong Abril 13, 1987. Ang batas na ito ay mas kilala bilang Postal Service act of 1992. Sa kasalukuyan, kinikilala na ang PSO bilang PhilPost.

B. Kaligiran ng PhilPost

1. Pamunuan

Ang pamunuan ng PhilPost ay binubuo ng pitong Board of Directors na nangangasiwa sa iba’t ibang sistema, proseso at Gawain. Narito ang mga kasalukuyang bumubuo dito:

Pangulo ng Komite: Franco L. Loyola
Pangalawang Pangulo
ng Komite: Hector Villanueva
Mga Miyembro: Ignacio S. Santiago
Eduardo V. Espinosa
Asuncion P. Loreto
Alfredo G. Gabot
Ramon L. Gelvezon

Kasalukuyan, ang PhilPost ay binubuo ng 2,000 liham-pahatiran, Distribution Centers at Mailing Outlets na matatagpuan sa iba’t ibang panig ng bansa na mayroong halos 18,000 na empleyado.

2. Layunin

Ito ay itinatag sa pagkakaroon ng pangunahing layunin na magsagawa at magtalaga ng mga programang makakatulong sa pagpapaunlad ng serbisyo na patuloy na hinuhubog upang mapabuti ang sistemang pangkoreo ng bansa. Ito ay naglalayon na mapunan nang husto ang pangkoreong pangangailangan ng Pilipinas.

3. Mga Pinaglilingkuran

Ayon sa PhilPost, narito ang mga institusyon at kompanya na tumatangkilik sa serbisyong pangkoreo:

a. The General Public
b. Banks and Financial Institutions
c. Telecommunications Companies
d. Direct Marketing Companies
e. Publishing Companies
f. Insurance Companies
g. Non-Government Organizations
h. Hotels and schools
i. Government Institutions
j. Manufacturing Companies
k. Other Business Enterprises

C. Serbisyo at Produktong Hatid ng PhilPost

1. Domestic Mail services

a. Ordinary Mail
b. Business Mail
c. Registered Mail
d. Domestic Express Mail Service (DEMS)
e. Priority Mail
f. Collect-on-Delivery Service
g. Fax Mail Service
h. Domestic Parcel Service
i. Business Reply Envelopes/Cards
j. Unaddressed Advertising Mail

2. International Mail Service

a. Letter Post
b. International Express Mail Service
c. Air Parcel Post
d. Surface Parcel Post
e. Insured parcel Post
f. Registered Mail
g. International Reply Coupon
h. International Postal Money Order

III. Mail Snail Mail

A. Ang Pagkakaroon ng Serbisyong Pangkoreo

Ang sining ng komunikasyon mula sa mga dokumentong sulatin ay madalas na dinadala ng isang tagapamagitan mula sa isang tao o lugar patungo sa isa pang tao o lugar. Ang pangyayaring ito ay halos bumabalik sa kapanahunang pagkakatuklas sa proseso ng pagsulat.

Gayunpaman, ang pag-unlad ng pormal na sistemang pangkoreo ay tinatayang nangyari pa nang mas maaga. Ang kauna-unahang naitalang pangyayari ng paggamit ng isang organisadong courier service para sa pamimigay ng mga dokumentaryong sulatin sa Ehipto na kung saan ang mga Pharaohs ay gumagamit ng couriers upang mapaiabot ang kanyang mga naisin sa buong teritoryo ng kanyang nasasakupan (2400 B.C.).

B. Pinagmulan ng Salitang Mail o Liham

Ang mail o liham ay nag-ugat sa Medieval English na salitang male (na binabaybay sa ganoong paraan hanggang ika-labing pitong siglo), salitang nagbibigay-pakahulugan upang ilarawan ang traveling bag o pack. Ang French ay may katulad din na salita, malle, na ang ibig sabihin ay trunk o large box, at mala ay ang salitang Irish para sa bag. Ang salitang mail ay nagsimulang umusbong bilang isang lalagyan o bag na naglalaman ng mga sulat, “bag full of letters” (1654). Makalipas ang sumunod pang daan taong, ang salitang mail ay direkta ng tumutukoy sa sulat at ang lalagyan ay mail bag.

C. Gamit ng Mail o Liham Bilang Tagapaghatid ng mga Impormasyon

Ang liham ay isang pamamaraan ng paglilipat ng mga impormasyon at nahahawakang bagay, kung saan ang mga nakatala o nakasulat na dokumento, karaniwang nakalagay sa sobre at kasama na rin ang mga maliliit na bagahe ay ipinapadala sa iba’t ibang destinasyon sa mundo. Anumang bagay na ipinadala sa pamamagitan ng sistemang pangkoreo ay tinatawag na liham o koreo.


Ang serbisyong pangkoreo ay maaaring maging pribado o pampubliko. Madalas na nagtatalaga ang gobyerno ng takda sa mga sistema ng pribadong pahatiran ng liham. Simula noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo, ang pambansang sistema ng koreo ay pangkalahatang naitatag bilang mga monopolyo ng gobyerno na may pataw na kabayaran. Ang katibayan ng kabayaran ay karaniwang nasa porma ng selyo, ngunit postage meters ay ang ginagamit para sa bulk mailing.

D. Pinagmulan ng Bansag na Snail Mail

Kalaunan, ang mail na ipinapadala sa pamamagitan ng tradisyunal na pamamaraan ay tinawag na snail mail dahil ito ay inihahalintulad sa mabagal na pagkilos ng snail o suso.

Kilala rin ang snail mail bilang isang paper mail, postal mail o land mail. Ito rin ay ginagamit bilang isang katawagan para sa penpalling. Ang snail mail penpals ay mga tawag naman sa mga taong nakikipagkomunikasyon sa iba sa pamamagitan ng sistemang pangkoreo.

IV. Mga Sanhi ng Pagbaba ng Bilang ng mga Pilipinong Tumatangkilik sa Snail Mail

A. Makabagong Teknolohiya

Ang pagkakaroon ng mga makabagong pamamaraan ng pakikipag-ugnayan gaya ng text messaging, e-mail o electronic mailing ang siyang pangunahing dahilan ng paghina ng pagtangkilik sa snail mail. Napag-iiwanan ang pamamaraang ito dahil sa pag-iiba ng takbo ng buhay at hilig ng mga mamamayang Pilipino sa panahong ito.

B. Kabagalan ng Proseso ng Pagpapadala

Kung tutuusin, higit na mas mabilis ang paggamit ng mga makabagong pamamaraang pangkomunikasyon kaysa sa snail mail kung kaya mas maraming mga Pilipino ay nahuhumaling dito. Hindi rin masisisi ang kadahilanang ito sapagkat mahalaga ang bawat oras na tumatakbo lalo na sa pagtatrabaho.

C. Seguridad ng mga Liham

Napabalita na may iilang empleyado ang di umano’y labag na nagbubukas ng mga liham sa pag-aakalang ito ay naglalaman ng mga importanteng bagay gaya ng pera o iba pang mahahalagang impormasyon. Dahil ditto, nawawalan ng tiwala ang mga Pilipino na kunin ang serbisyo ng PhilPost sa pagpapadala ng mga koreo.

D. Pag-uugali ng Ilang Empleyado

Nawawalan din ng interes ang mga mamamayan na gumamit ng serbisyo ng PhilPost dahil sa kanilang di umano’y mga di kanais-nais na personal na karanasan lalo na sa mga oras ng paghuhulog ng liham sa mga tanggapan ng koreo ng PhilPost. Isang halimbawa dito ang di umano’y di magandang pakikipag-usap at pakikitungo ng ilang empleyado ng nasabing tanggapan.

V. Snail Mail Bilang Isang Mabisang Midyum ng Komunikasyon ng mga Pilipino

A. Instrumento sa Pagkatuto

Maraming mga Pilipino, lalo na ang mga kabataan, ang bumababa ang kakayahan sa wastong pagbabaybay ng mga salita bunga ng paggamit ng text at e-mail. Kung kaya, ang snail mail ay mabisa pa ring midyum ng komunikasyon dahil hindi lamang natututo ng paraan ng pagsulat kung hindi pati na rin ng tamang baybay, bantas, balarila at estruktura ng mga salita at pangungusap.

B. Sarili o Personal na Paggamay

Likas sa mga Pilipino na pahalagahan at ingatan ang mga bagay na importante sa kanila gaya na lamang ng mga liham na mula sa mga malalapit sa kanilang puso. Ang mga liham na ito ay pinaghirapan at naglalaman ng lagda o pirma ng taong sumulat. At higit sa lahat, ang mga ito ay maaaring maitabi habang buhay hindi gaya ng mga text message. Kung kaya, ang snail mail ay may malaking papel na ginagampanan sa pagbubuklod ng mamamayang Pilipino.

C. Paglalahad ng Damdamin

Kung hindi man maipahayag ng mga Plipino ang kanilang damdamin ng harapan, dahil sa snail mail ay maipapakita ng taong sumulat ang sinseridad ng kanyang mensahe. Bagamat ito ay maipapakita rin sa pamamagitan ng e-mail, iba pa rin ang maidudulot na tuwa at iba pang emosyong sa taong sinulatan.

D. Kahalagahan sa Negosyo

Ang mga snail mail ay nagsisilbing ebidensya na nagpapatunay ng legal na transaksyon at komunikasyon sa pagitan ng mga kliyente at kompanya. Sa pamamagitan nito, maiiwasan ang pagkakaroon ng di pagkakaunawaan at hidwaan ng dalawang kampo.

VI. Pagpapaunlad ng Serbisyong Pangkoreo ng PhilPost

A. Pagkakaroon ng Makabagong Proseso at Pasilidad

Upang hindi mapag-iwanan ng panahon ang sistema ng PhilPost, nilalayon ng nasabing tanggapan ng koreo ang paglinang ng sistemang kanilang ginagamit sa pagpapadala ng liham. May mga panukalang paggamit ng mga kompyuter upang mas mapabilis at organisado ang kanilang serbisyo sa pagtanggap at pagpapadala ng mga liham.

B. Pagpapabilis ng Pagpapadala ng mga Liham

Upang magkaroon ng mabilis na paghahatid ng mga liham, naglaan ang PhilPost ng pondo para sa pagbili ng mga sasakyang pangtransportasyon upang maihatid ang mga liham sa mas mabilis at maagang oras. Sa kasalukuyan, 80-90% na ng mga kartero ang gumagamit ng mga motorsiklo sa paghahatid ng mga liham at nagkaroon na din ng 49 na mail vans na magagamit sa distribusyon ng mga liham sa mga malalayong lugar sa Pilipinas.

C. Pagkakaroon ng Mahigpit na Patakaran at Seguridad ng mga Liham

Dahil sa mga napabalitaang pangyayari hinggil sa di umano’y nakawan at labag na pagbubukas ng mga liham, gumawa ng hakbang ang pamunuan ng PhilPost na masugpo ang patuloy at paglala ng nasabing isyu. Sa katunayan, nagkaroon ng mga inspeksyon ang tanggapan at higit na sa isang daan ang mga empleyadong napatalsik dahil napatunayang may ginawang labag na gawain sa loob ng liham-pahatiran. Ayon sa PhilPost, magpapatuloy ang kanilang mga mahihigpit na seguridad sa mga liham hanggat hindi nauubos ang mga empleyadong tiwali. Dahil sa ganito ring paraan, maibabalik ng PhilPost ang tiwala ng mga mamamayang Pilipino na tangkilikin ang kanilang serbisyo

D. Seminars at Workshops para sa mga Empleyado

Magiging maganda ang serbisyo ng isang kompanya kung ang mga empleyado nito ay may mabuting pakikitungo sa mga kostumer. Kung kaya, nagsagawa ng PhilPost ng mga seminars at workshops para sa mga empleyado upang matuto ng mga magagandang estratehiya na pakikitungo sa mga taong tumatangkilik sa serbisyo ng tanggapan.

VII. Konklusyon

Dahil sa pagsusumikap ng mga mananaliksik sa pangangalap ng mga mahahalagang impormasyon, natuklasan nila na ang snail mail ay isa pa ring mabisang midyum ng komunikasyon ng mga Pilipino. Sa kanilang pagbisita sa PhilPost, napatunayan nila na may katotohanan ang nabanggit na tesis statement. Lingid sa kaalaman ng mamayang Pilipino, ang mga kawani ng PhilPost ay punong abala sa kanilang mga gawain. Isa itong indikasyon na marami pa rin ang mga Pilipino ang naniniwala sa bisa ng snail mail.

VIII. Talasanggunian

http://en.wikipedia.org/wiki/Philippine_Postal_Corporation
http://www.philpost.gov.ph/